Pages

Thursday, October 9, 2014

Ang Paglalasing ng Alak

Naalala ko pa noon ng hindi pa ako kaanib sa tunay na Iglesia ay isa po akong manlalasing ng alak at pati narin po ng sigarilyo. Lagi po ito ang subject ng pag-aaway naming  mag-asawa dahil madalas gabi-gabi ay umiinom po ako ng alak at ang katwiran ko po ay pampatulog lamang.

Kahit sa trabaho sa tuwing nagyayaan ang mga workmates ko  ay lagi po akong present kahit saang lugar pa yan at nangunguna pa sa tagayan hanggang umabot ng  madaling araw sa pag-uwi. Bago pa man dumating ang suweldo o tuwing day-off ay pinaplano ko na ang budget na pang-pulutan at kung ano ang iinumin ko..beer o whisky o gin at sa hapon ay uumpisahan ko na ang paglalasing hanggang gabi. Nasasayang lang po ang pera ko at napeperwisyo pa ang katawan, dumating pa sa point na nangungutang ako sa tindahan para lang makainom tama nga po ang sabi ng Biblia...basa po tayo:


Pro_21:17  Ang umiibig ng kalayawan ay magiging dukha: ang umiibig sa alak at langis ay hindi yayaman.

Salamat sa Dios dahil lubusan ko itong iniwan noong ako ay naanib sa tunay na Iglesia at natuto ng aral sa Biblia sa pamamagitan ni Bro. Eli, pinangako ko noon sa Dios na hinding-hindi na ako iinom o titikim man ng alak at pati na rin ang paninigarilyo.

Ibabahagi ko po sa inyo  ang aral na aking natutunan sa Biblia na na-iniaral sa akin ng aming Mangangaral patungkol sa pagbabawal ng alak. Gusto po  ng Dios na tayo ay  mamuhay ng may kaayusan sa pamamagitan ng Evangelio ...basa po tayo:

Php_1:27  Ang inyo lamang pamumuhay ay maging karapatdapat sa evangelio ni Cristo: upang, maging ako ay dumating at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo, ay mabalitaan ko ang inyong kalagayan, na kayo'y matitibay sa isang espiritu, na kayo'y mangagkaisa ng kaluluwa na nangagsisikap sa pananampalataya sa evangelio; 

Ang Kristiyano ay dapat may disiplina  ang pamumuhay sa pamamagitan  ng Ebanghelyo ni Cristo. Sa lahat ng ating gagawin  maging sa pananamit, pag-nenegosyo, pagkain, hanapbuhay ay dapat nakabatay sa Ebanghelyo o Aral ng ating Panginoong Jesus.

Ang paglalasing po ay hindi nakakapagbigay sa atin ng kaayusan sa buhay, gaya ng aking naranasan hindi po naging mabuti ang takbo ng aking pamumuhay noon dahil sa alak.
Alam nyo po ba na noong panahon ng Israel ang mga lasenggo ay pinapapatay?...basa po tayo:

Deu 21:18  Kung ang isang lalake ay may matigas na loob at mapanghimagsik na anak, na ayaw makinig ng tinig ng kaniyang ama, o ng tinig ng kaniyang ina, at bagaman kanilang parusahan siya ay ayaw makinig sa kanila:
Deu 21:19  Ay hahawakan nga ng kaniyang ama at ng kaniyang ina at dadalhin sa mga matanda sa kaniyang bayan, at sa pintuang-bayan ng kaniyang pook;
Deu 21:20  At kanilang sasabihin sa mga matanda sa kaniyang bayan. Itong aming anak ay matigas na loob at mapanghimagsik, na ayaw niyang dinggin ang aming tinig; siya'y may masamang pamumuhay, at manglalasing.

Ituloy po natin ang pagbabasa kung ano ang gagawin ng mga Israelites  sa ganitong klase ng tao...basa po tayo:

Deu 21:21  At babatuhin siya ng mga bato, ng lahat ng mga lalake sa kaniyang bayan upang siya'y mamatay: gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo; at maririnig ng buong Israel, at matatakot.


Sa Israel nga po noon ay binabato hanggang sa mamatay ang mga anak na matigas ang ulo, rebelde , may masamang pamumuhay at MANGLALASING. Pero sa ating bansa at sa iba pa ang paglalasing ay legal na naging sanhi ng  maraming naaksidente dahil sa sobrang kalasingan, minsan nababalitaan na lang natin na pinatay ang asawa at anak, mga kainuman nagsaksakan, nagbarilan dahil lasing at ang iba ay hinahalay pa  ang sariling anak. Puro kademonyuhan talaga ang makukuha sa paglalasing.
Tama po ang sabi ng Biblia na ang alak ay nagbubunga lamang ng kagulughan..basa po tayo:


Pro_20:1  Ang alak ay manunuya, ang matapang na alak ay manggugulo; at sinomang napaliligaw sa kaniya ay hindi pantas.


Kaya nga pinagbawal ng Dios ang paglalasing ng alak..basa po tayo:

Eph 5:18  At huwag kayong magsipaglasing ng alak na kinaroroonan ng kaguluhan, kundi kayo'y mangapuspos ng Espiritu;
Ang iba namimilosopo pa sabi hindi naman bawal uminom ng alak basta huwag lang maglasing...hindi po ganun mga kapatid dahil kahit nga po tumingin lang sa alak ayaw ng Dios...basa po tayo:
Pro_23:31  Huwag kang tumingin sa alak pagka mapula, pagka nagbibigay ng kaniyang kulay sa saro,

Isang halimbawa po ay ang lingkod ng Dios na si St. John the Baptsist  hindi po siya  uminom kailanman ng alak mula pa sa pagkabata niya..basa po tayo:

Luk 1:15  Sapagka't siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon, at siya'y hindi iinom ng alak ni matapang na inumin; at siya'y mapupuspos ng Espiritu Santo, mula pa sa tiyan ng kaniyang ina.

Ganun din po dapat tayo kung gusto natin maglingkod sa Dios at para mapuspos tayo ng Espiritu ay tularan natin si St. John at ang mga Apostol na napuspos ng Espiritu dahil sila ay hindi umiinom ng alak. Wala nman po magandang magagawa ang alak sa katawan natin pinatunayan po yan ng medisina na ang  mga alcohol at iba pang chemical contents ay nakakasira sa kalusugan ng tao. Dati nga po lagi akong may hang-over pag pumapasok sa trabaho, hinang-hina at masakit ang ulo pati ang tiyan dahil sa acid. Nakakasira lang po ito ng atay, isip at lalakas ang loob mo na gumawa ng masama.

Ito po ang advice ni St. Paul sa mga taga-Roma..basa po tayo:

Rom 14:21  Mabuti ang huwag kumain ng lamangkati, ni uminom ng alak, ni gumawa ng anoman na katitisuran ng iyong kapatid.


Sundin po natin ang mga lingkod ng Dios sapagkat sila ang pinakatiwalaan ng Ebanghelyo ng Dios para ituro sa atin ang dapat nating ipamuhay. Ayaw po talaga ng Dios ng inuman o paglalasing dahil yan nga po ay nagbubunga ng kaguluhan, patayan at ng mga masasamang naiisip na gawin kaya po pinag-iingat  tayo ng Dios...basa po tayo:

Luk 21:34  Datapuwa't mangagingat kayo sa inyong sarili, baka mangalugmok ang inyong mga puso sa katakawan, at sa kalasingan, at sa mga pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at
dumating na bigla sa inyo ang araw na yaon na gaya ng silo:


Sa aking mga kapwa na mangininom at sa mga kaibigan na dati kung kainuman ay tumigil na po kayo sa gawaing ito kung talagang kinikilala nating tayo ay isang Kristiyano at mahal natin ang Dios. Ang mangyayari po kapag namatay ang tao  sa paglalasing ng hindi nagbabago ay ganito po ...basa po tayo:

Gal 5:19  At hayag ang mga gawa ng laman, sa makatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kalibugan,
Gal 5:20  Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya,
Gal 5:21  Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios.




Lahat po tayo ay nagkakasala at nakakagawa ng mali sa buhay pero nandiyan naman po ang ating Dios na maawain, pagsikapan po natin na makasunod sa Kanya.

Salamat sa Dios!

1 comment: