Marami po ba kayong kaibigan? Masaya po diba kasi marami kang kilala, maraming kasama sa kasiyahan, marami kang malalapitan sa panahon ng kalungkutan at mga problemang kinakaharap. Madali lang magkaroon ng kaibigan kahit sa social media tulad ng Facebook makakahanap tayo kahit hindi man lubusang kilala nagse-sent at nag-aaccept ng friend request ang ilan sa atin.
Ano naman kaya ang aral ng Biblia sa pakikipagkaibigan? Pwede ba tayong makipagkaibigan sa lahat ng tao? Alamin natin ang sagot ng Biblia na tinuro sa amin ng aming Mangangaral na ibabahagi ko rin naman sa inyo.
Basa po tayo:
1Corinthians 9:20 At sa mga Judio, ako'y nagaring tulad sa Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio; sa mga nasa ilalim ng kautusan ay gaya ng nasa ilalim ng kautusan, bagaman wala ako sa ilalim ng kautusan upang mahikayat ang mga nasa ilalim ng kautusan; :21 Sa mga walang kautusan, ay tulad sa walang kautusan, bagama't hindi ako walang kautusan sa Dios, kundi nasa ilalim ng kautusan ni Cristo, upang mahikayat ko ang mga walang kautusan. :22 Sa mga mahihina ako'y nagaring mahina, upang mahikayat ko ang mahihina: sa lahat ng mga bagay ay nakibagay ako sa lahat ng mga tao, upang sa lahat ng mga paraan ay mailigtas ko ang ilan.
Hindi naman po pala masama makisama sa lahat ng klase ng tao maging ito ay bakla, tomboy, may kapansanan, mahirap, mayaman o kung ano pa man basta ang importante ay ang layunin na maakay ang kapwa tao sa kaligtasan, makabuo ng magandang relasyon sa kanila para madala sa magandang gawain gaya ni Apostol Pablo na nakibagay siya sa lahat ng mga tao upang papaano may ilang mailigtas siya. Wala namang problema kahit sinong tao ang ating pakisamahan para maakay natin sila sa Dios.
Kung ang intention sa pakikisama ay upang magkaroon lang ng maraming kaibigan nagiging delikado po yun, masama po ang bunga nito...basa po tayo:
Proverbs 18:24 Ang nagpaparami ng mga kaibigan ay sa kaniyang sariling kapahamakan: nguni't may kaibigan na mahigit kay sa isang kapatid.
Binalita nga minsan na dahil sa pakikipag-accept ng friendship sa facebook may napahamak nakipag eyeball at yun napagsamantalahan, ang iba naman naloloko ng mga scammers.
Kaya tama po talaga ang Biblia na ang nagpaparami ng kaibigan ay sa kanyang sariling kapahamakan. Mapapahamak lang po talaga kung magpaparami ng kaibigan na kahit sino na lang, na wala namang mabuting layunin, basta ang gusto lang barkada, may kainuman, may katambay, may makasama sa sugal at kalayawan. Pag ganito ang hangarin sa pakikipagkaibigan makakapagpahamak lang ito dahil ang masamang kaibigan makakasira ng mabuting ugali...basa po tayo:
1Corinthians 15:33 Huwag kayong padaya: Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.
Kaya kung nais makipag-kaibigan mag-ingat po hindi lang basta makikipag-kaibigan para masabing friendly person ka, at saka magastos po ang maraming kaibigan lalo na hindi makaunawa sa sitwasyon mo, ang iba nakikipagkaibigan sayo dahil lang sa pakinabang. Huwag makipagkaibigan sa taong magagalitin , maiksi ang pasensiya sandali galit agad... bawal po ng Dios ang ganun:
Proverbs 22:24 Huwag kang makipagkaibigan sa taong magagalitin; at sa mainiting tao ay huwag kang sasama: :25 Baka ka matuto ng kaniyang mga lakad, at magtamo ng silo sa iyong kaluluwa.
Sabi po huwag makipagkaibigan sa magagalitin, bakit? kasi ang mga ganun ay malapit sa kaguluhan, malapit sa pagpatay ng kapwa kapag magagalitin at baka madamay ka pa ikaw pa mismo gawan ng masama.
Hindi po masama ang makipagkaibigan o pakisamahan ang lahat ng tao basta ang hangad ay maakay sila sa kabutihan, maimpluwensiyahan sila ng kabutihan. Yun naman talaga ang isa sa misyon natin ang makaakay ng kaluluwa upang manumbalik sa Dios kaya gamitin natin ang pakikipagkaibigan na may mabuting layunin. Mas mainam na imbitahan ang mga kaibigan na dumalo sa Bible Exposition upang makapakinig ng salita ng Dios , akayin sa mabubuting gawa, mga paglilingkod sa Dios.
Salamat sa Dios!
No comments:
Post a Comment